Thursday, 27 August 2015

Mga Isyung Pampulitika Sa Pilipinas

  


 Ang korapsyon na siyang sinisisi palagi sa pagkasira ng pulitiko o opisyal ng isang bansa ay kasing tanda na ng pinakamatandang panahon. Kung babasahing mabuti ang mga kasaysayan ng iba’t – ibang lahi at mga kaharian, noon pa man ay may mga tiwali nang mga opisyal, yon nga lang hindi binoto, kundi itinalaga sa pwesto.
 
   Sa panahon ngayon, maski ang mga kagalang-galang na mga bansa ay may bahagi din sa isyu ng katiwalian. Yon nga lang, ang mga nahuli at napatunayang involved ay tumatanggap ng kasalanan, at may nagpapakamatay pa nga, subali’t ang pinakasimpleng parusa ay pagtanggal na lang sa pwesto or pagkulong.
 
   Sa Pilipinas, ang mga korap, makapal ang mga mukha at “matatalino”, pilit pinaiikutan ang mga batas, kaya karamihan sa mga pumapasok sa pulitika ay naghahanda sa pamamagitan ng pagkuha ng kursong abugasya o ilang unit man lang ng karerang ito upang maski papaano ay magkaroon ng ideya kung paanong makasilip ng butas sa mga batas.
 
   Dahil sa talamak na ugaling korap sa gobyerno ng Pilipinas, hindi na biro ang isyung ito. Dahil dito, nawawalan ng mukhang Pilipino ang ating lahi, ang ating kultura, ang ating bansa dahil pinagpipilitan ng mga tiwaling mga mambabatas na baguhin ang mga batas upang lalo pang dagsain ng mga dayuhan ang ating bansa upang makinabang sa ating mga likas na yaman. Nakakalungkot isipin na maski hindi na nga magkaroon ng mga batas tungkol sa ganitong bagay ay hayagang naaabuso na tayo ng mga illegal na dumadayo upang minahin ang mineral sa ating kalupaan, at walang magawa ang mga lokal na opisyal. Paano na kung mabago pa ang batas tungkol dito na nakalagay sa Saligang Batas o Konstitusyon na dapat ay nagbibigay proteksiyon ng mga karapatan ng mga Pilipino?

   Talamak ang korapsyon sa gobyerno at lahat ng may ambisyong maging pangulo ay nakulapulan na nito. Nagkakaroon ng kalituhan dahil pinagpipilitan ng mga pulitikong sangkot sa katiwaalian, na hangga’t hindi napatanuyan sa husgado, sila ay walang kasalanan kahit hayag-hayagan ang pagbuyangyang ng kanilang pastisipasyon. Batay sa mga naunang kasong inihain sa Ombudsman at iba pang korte, halos walang umuusad ni isa man. Paano ngayon mangyayari ang pinaggigiitan ng mga tiwaling opisyal na dapat ay “umusad ang hustisya”? Hanggang kaylan maghihintay ang bayan upang makamit ang hustisya?