Ang korapsyon na siyang sinisisi palagi sa pagkasira ng pulitiko o opisyal ng isang bansa ay kasing tanda na ng pinakamatandang panahon. Kung babasahing mabuti ang mga kasaysayan ng iba’t – ibang lahi at mga kaharian, noon pa man ay may mga tiwali nang mga opisyal, yon nga lang hindi binoto, kundi itinalaga sa pwesto.
Sa panahon ngayon, maski ang mga
kagalang-galang na mga bansa ay may bahagi din sa isyu ng katiwalian. Yon nga
lang, ang mga nahuli at napatunayang involved ay tumatanggap ng kasalanan, at
may nagpapakamatay pa nga, subali’t ang pinakasimpleng parusa ay pagtanggal na
lang sa pwesto or pagkulong.
Sa
Pilipinas, ang mga korap, makapal ang mga mukha at “matatalino”, pilit
pinaiikutan ang mga batas, kaya karamihan sa mga pumapasok sa pulitika ay
naghahanda sa pamamagitan ng pagkuha ng kursong abugasya o ilang unit man lang
ng karerang ito upang maski papaano ay magkaroon ng ideya kung paanong
makasilip ng butas sa mga batas.
Dahil sa talamak na ugaling korap sa gobyerno
ng Pilipinas, hindi na biro ang isyung ito. Dahil dito, nawawalan ng mukhang
Pilipino ang ating lahi, ang ating kultura, ang ating bansa dahil
pinagpipilitan ng mga tiwaling mga mambabatas na baguhin ang mga batas upang
lalo pang dagsain ng mga dayuhan ang ating bansa upang makinabang sa ating mga
likas na yaman. Nakakalungkot isipin na maski hindi na nga magkaroon ng mga
batas tungkol sa ganitong bagay ay hayagang naaabuso na tayo ng mga illegal na
dumadayo upang minahin ang mineral sa ating kalupaan, at walang magawa ang mga
lokal na opisyal. Paano na kung mabago pa ang batas tungkol dito na nakalagay
sa Saligang Batas o Konstitusyon na dapat ay nagbibigay proteksiyon ng mga
karapatan ng mga Pilipino?
Talamak
ang korapsyon sa gobyerno at lahat ng may ambisyong maging pangulo ay
nakulapulan na nito. Nagkakaroon ng kalituhan dahil pinagpipilitan ng mga
pulitikong sangkot sa katiwaalian, na hangga’t hindi napatanuyan sa husgado,
sila ay walang kasalanan kahit hayag-hayagan ang pagbuyangyang ng kanilang
pastisipasyon. Batay sa mga naunang kasong inihain sa Ombudsman at iba pang
korte, halos walang umuusad ni isa man. Paano ngayon mangyayari ang
pinaggigiitan ng mga tiwaling opisyal na dapat ay “umusad ang hustisya”?
Hanggang kaylan maghihintay ang bayan upang makamit ang hustisya?